MANILA, Philippines – Nagsagawa ng rali kahapon ng umaga sa isang istasyon ng Light Rail Transit (LRT-1) ang mga miyembro ng militanteng grupo upang tutulan ang bantang pagtataas ng pasahe sa LRT-1, 2 at sa Metro Rail Transit (MRT-3).
Bukod sa pagtutol sa pagtataas ng pasahe, umaapela rin ng umento sa sahod ang mga militante at kinukondena ang anila’y privatization ng LRT.
Plano rin umano ng grupo na magdaos ng piket sa iba pang istasyon ng LRT sa mga susunod na araw upang ipaabot sa pamahalaan ang kanilang
mga hinaing.
Kasunod ito ng anunsyo ni DOTC spokesperson Michael Sagcal na posibleng magkaroon ng fare hike para sa MRT at LRT bago mag-Pasko.
Pinabulaanan naman ni Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya ang pahayag ni Sagcal at sinabing walang fare hike sa train systems hanggang sa Nobyembre.