Salon, hinoldap ng 2 kostumer

MANILA, Philippines – Nagpa-spa muna ang dalawang lalaki bago hinoldap ang mga tauhan ng isang salon sa Pasig City kamakalawa ng gabi.

Personal na dumulog sa tanggapan ng Station Investigation Detection Management Branch ng Pasig City Police ang mga biktimang sina Marilou Chee, 27; Lalaine Quiod, 21; Robert Macao, 21; at Sonny Espara, 18, pawang mga empleyado at stay-in sa Surat Thai Spa, na matatagpuan sa Block 2, Lot 12-A  Yakal St., corner  Marcos Highway, Barangay Santolan.

Ayon sa mga biktima, naganap ang insidente dakong alas-8:00 ng gabi sa Surat Thai Spa.

Nauna rito, nagpanggap umano ang dalawang lalaki na hindi sila magkakilala.

Nang matapos ay sabay na nagpunta sa cashier ngunit sa halip na magbayad ay bumunot ng baril ang mga ito at hinoldap ang kahera at mga empleyado.

Natangay ng mga suspek ang iba’t-ibang uri ng cellphone (P20,000); Ipod (P4,000); dalawang gintong singsing (P15,000); gintong kuwintas (P18,000);  relo (P10,500), gintong bracelet (P16,000) at P2,000 cash.

Nang makuha ang pa­kay ay pinapasok ng mga suspek  ang mga biktima sa banyo bago tumakas.

Nang matiyak ng mga biktima na wala na ang mga suspek ay saka pa lang naglabasan ang mga ito at saka nagsumbong sa mga otoridad.

Show comments