MANILA, Philippines - Isang kauna-unahang gusali ng disaster risk reduction management na matatagpuan sa Quezon City ang ipinangalan kay dating Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Raymundo Punongbayan.
Ito ay makaraang lagdaan ni QC Mayor Herbert M. Bautista ang isang ordinansa na naglalayong ipangalan ang Quezon City DRRM Command Center kay Director Punongbayan bilang pagkilala sa naging mahusay nitong pagseserbisyo at dedikasyon sa pagtulong sa mamamayan noong pinuno pa ito ng Phivolcs.
Si Punongbayan ay nagsilbing director ng Phivolcs mula taong 1983 hangang 2002 at noong panahon ng kanyang panunungkulan ay naipakita nito ang matinding pagtulong at pagkakaloob ng tunay na serbisyo sa mga nagdaang kalamidad sa bansa laluna noong 1990 Luzon earthquake at ang 1991 Mt. Pinatubo eruption.
Inaatasan din ng ordinansa ang QC engineering department at ang cultural and tourism department na maglagay ng marker at magpatupad ng seremonya sa pagpupugay sa namayapang si Punongbayan.
Ang QC ang kauna- unahang LGU na nagtayo ng sariling DRMM building. -Angie dela Cruz-