MANILA, Philippines - Patay ang isang 52-anyos na miyembro ng Sigue-sigue sputnik gang nang magtatakbo, tumalon sa creek at umakyat pa sa bubong ng isang bahay at nakita na lang na bumagsak sa lupa sa Pandacan, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktimang si Renato Robles ng No. 2056 Lozada St., Pandacan, na nagtamo ng dalawang bala sa dibdib. Wala namang matukoy na pagkilanlan ng suspek na responsable sa pamamaril sa biktima.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-12:15 ng madaling-araw nang makarinig ng mga putok ng baril ang mga residente, kasunod ng komosyon sa Guanzon compound na matatagpuan sa No. 1131 Teodoro San Luis st., Pandacan.
Inakala pa ng mga tao na ang lalaki ay miyembro ng “Akyat-Bahay” dahil marami na umanong insidente ng nakawan na pumapasok sa mga bahay-bahay doon subalit natuklasan ng mga pulis na rumesponde sa reklamo ng isang alyas “Susan” hinggil sa panggagahasa umano sa kaniya, bagamat wala pang malinaw na detalye.
Sa pagresponde ng mga pulis, nakita ang biktimang si Robles na walang pang-itaas at sumasakay ng bisikleta kaya ito sinita. Sa halip umanong tumigil ay nagtatakbo hanggang sa tumalon sa creek at umakyat sa pader papasok sa Guanzon compound. Nang abutan umano ang biktima ay nakabulagta, duguang walang buhay dahil sa tama ng bala sa kaliwang bahagi ng katawan, sa bubong ng nasabing bahay.