MANILA, Philippines - Patay ang tatlo katao habang tatlo naman ang sugatan nang aksidenteng sumalpok sa puno ang sinasakyan ng mga itong behikulo sa naganap na insidente sa highway ng bayan ng Nasugbu, Batangas nitong Huwebes.
Idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang mga biktimang sina Arjay delos Santos, Carla Pamplona at Bernardo delos Santos; pawang tumilapon mula sa bintana ng sasakyan matapos na mabasag ang windshield nito habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga sugatang sina Jubelle de los Santos, Hazel de los Santos at Roy Villalobos; pawang residente ng Brgy. Real, Calamba City, Laguna. Ang mga ito ay nasa unahan ng behikulo.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling-araw habang bumabagtas ang sasakyan ng mga biktima na Toyota Corolla (UPC-214) sa kahabaan ng highway ng Sitio Balite, Brgy. Banilad, Nasugbu.
Masyado umanong mabilis ang takbo ng behikulo na tuluy-tuloy na sumalpok sa puno ng mangga dahil nakatulog umano ang driver ng naturang sasakyan.