MANILA, Philippines – Hindi umano “EA” o Executive Assistant ni PNP Director for Plans Chief Supt. Alexander Ignacio ang FHM model na si Alyzza Agustin matapos umamin ang huli na ang calling card ng heneral na ginamit niya para makalusot sa paglabag sa number coding ay peke.
Ayon sa press statement na ipinadala ni Chief Supt. Ignacio na hindi ‘official business card’ ng PNP na niririprisinta ng kaniyang tanggapan, ranggo at designation ang calling card.
“I am a Chief Superintendent (1 star rank) and not a Police Director (2 stars). Alyzza Agustin is not my Executive Assistant and there is no such position in my office,” pahayag ni Ignacio.
Hindi rin niya kilala ang FHM model na si Agustin na ipinagmalaki pa sa kaniyang facebook account ang umano’y calling card na ibinigay ng heneral na siya niyang ginagamit para makalusot sa number coding.
Si Ignacio ay nasa isang official na mission matapos na dumalo sa ASEAN National Police Conference sa Malaysia.
Aminado naman ang heneral na namimigay siya ng calling card sa mga humihiling nito pero hindi para gamitin sa paglabag sa batas.
Nakiusap din si Ignacio sa netizens na huwag munang manghusga sa pamamagitan ng pagbatikos sa social networking site kung hindi pa naman aniya nabeberipika ang mga kaganapan.
Kamakalawa ay naging trending sa social networking sites ang nasabing ipinoste ni Agustin at maraming netizens ang nagbigay ng kanilang komento ng pagbatikos.
“PLS ASSIST MY EA, ALYZZA AGUSTIN” ang nakasaad sa calling card na pirmado umano ni Ignacio.
Samantala, humingi na ng tawad si Agustin kay Ignacio at sa pamilya nito sa kanyang facebook account.
“ I would like to apologize to everyone who was affected by my post, fellow motorist, Director Alexander C. Ignacio, and his family and the PNP Institution as a whole. I was just overwhelmed by that moment because I was caught in traffic for hours coming from my work. I would like to make it a point that I do not know Director Alexander C. Ignacio personally.” Sinabi naman ni PNP Spokesman P/Sr. Supt. Wilben Mayor sa lahat ng mga opisyal at tauhan ng PNP na mag-ingat sa pagbibigay ng calling card para hindi ito magamit sa masama o anumang illegal na gawain.