MANILA, Philippines – Nadakip ng mga security guard at pulis ang isang lalaki na tangkang magpapasok ng shabu at baril sa isang mall sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Ang suspek ay kinilalang si Isagani Villarin, ng no. 52 San Francisco Street, Brgy. Karuhatan, ng naturang lungsod.
Sa ulat na natanggap ni Valenzuela City Police chief Sr. Supt. Rhoderick Armamento, dakong alas-6:45 ng gabi nang nagtangkang pumasok sa kilalang mall sa may MacArthur Highway, Brgy. Karuhatan ang suspek.
Sinita ito ng security oficer na si Maricel Alvena nang mapansin na may dala itong baril.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct 9 na nakadetalye sa bisinidad ng mall at dinakip ang suspek.
Nang kapkapan ang suspek ay nasamsam dito ang dalawang plastic sachet ng shabu at isang kalibre .38 na may limang bala.
Hinala ng pulisya, posibleng ginagamit ng suspek ang naturang mall sa iligal na gawain.
Ang suspek ay kinasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearms and ammunitions.