Bangka lumubog: 53 nasagip

MANILA, Philippines - Isang pampasaherong bangka ang lumubog matapos na balyahin ng malakas na alon dulot ng habagat sa karagatan ng Lauis Ledge, Talisay, Cebu kamakalawa na kung saan ay nasa limampu’t tatlong (53) pasahero at tripulante ang nasagip  ng mga elemento ng Philippine Navy.

Sa ulat ni Philippine Navy Public Affairs Officer Lt. Commander Marineth Domingo, dakong alas-3:20 ng hapon noong Biyernes nang makatanggap ng distress call ang Naval Forces Central na nakabase sa Naval Base Rafael Ramos, Brgy. Looc, Lapu-Lapu City hinggil sa lumulubog na bangka na M/B Cruiser Sam and Shorty sa lugar nang balyahin ng malalakas na alon dulot ng masamang panahon sa pananalasa ng habagat sa Central Visayas partikular na sa Cebu.

 Ang nasabing pampasaherong bangka ay galing sa Pasil Wharf sa Cebu City at patu­ngong Clarin, Bohol nang mangyari ang insidente.

Sa salaysay ng mga nakaligtas na masyadong malakas ang alon ng bumiyahe ang bangka at pagsapit sa Lauis Ledge ay pinasok ito ng tubig at dito ay nagpanik ang mga pasahero hanggang sa lumubog ito.

Kabilang sa mga nailigtas ay 32 lalaki, 14 babae, apat na batang lalaki at tatlong batang babae.

Inihatid na sa Pier 1, Mandaue City, Cebu ang mga nasagip na pasahero at tripulante.- Joy Cantos, Ludy Bermudo-

 

Show comments