MANILA, Philippines - Trak-trak ng basura na inanod sa Manila Bay mula Biyernes hanggang kahapon ng umaga ang tumambak nang manalasa ang Bagyong Mario at Habagat.
Sa Roxas Boulevard malapit sa bakuran ng US Embassy, tambak ang plastic, styrophore at iba pang basura ang pinag-agawan ng mga mangangalakal.
Itinulak din ng malalaking alon at nailapit sa breakwater ang luma at sira-sirang barko na M/V Captain UFUK Panama.
Sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Armand Balilo, nasa 50 metro na lamang ang layo ng barko sa breakwater.
Tinawagan na nila ang towing company na kinontrata ng Bureau of Customs (BOC) upang muling ilayo ang barko sa breakwater at maiwasan ang anumang aksidente.
Ang M/V UFUK ay nasabat ng mga tauhan ng BOC sa karagatan ng Bataan noong 2010 dahil sa mga karga nitong ilegal na baril.- Lordeth Bonilla-