MANILA, Philippines - Nauwi sa trahedya ang isang outing ng magkaibigan nang kapwa sila malunod habang naliligo sa dagat sa Naic, Cavite, kamakalawa.
Unang natagpuan ang bangkay ng biktimang si John Paul Deliaco, 24, pedicab driver, habang pinaghahanap pa ang bangkay ng kaibigan na si Julius Parban, 24, kapwa taga-Bicutan, Taguig City.
Sa inisyal na ulat, bago nangyari ang trahedya ay dumating ang mga biktima kasama ang kanilang grupo sa Happy Holiday Beach Resort, Brgy. Munting Mapino, dakong alas-11:00 ng umaga.
Isang oras ang nakalipas ay nakita na lamang ang mga biktima na kumakaway at humihingi ng tulong matapos tangayin ng malakas na alon at napadpad sa malalim na bahagi ng dagat hanggang sa tuluyang lumubog.
Rumesponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at pagkalipas ng apat na oras ay narekober ang bangkay ni Deliaco habang hindi pa rin natatagpuan si Parban.