MANILA, Philippines - Nilinaw ng Governance Commission for Government (GCG) sa Veterans Federation of the Philippines (VFP) na kahit may kakaibang katangian ito bilang GOCC ay nananatiling nasa ilalim ito ng kontrol at superbisyon ni Department of National Defense (DND) Secretary Voltaire Gazmin.
Sa liham ng GCG kina VFP Chairman, President at Chief Executive Officer Emmanuel De Ocampo at VFP Executive Vice President at Vice President for Operations ret. Col. Bonifacio de Gracia, idiniin ng ahensiya na hindi maaaring balewalain ng VFP ang katotohanang nilikha ito sa ilalim ng Republic Act No. 2640 bilang lupon na nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kalihim ng DND.
Sa paliwanag na nilagdaan ni GCG Chairman Cesar Villanueva at Commissioners Ma.Angela Ignacio at Rainier Butalid, pinahalagahan din ng ahensiya ang hatol ng Supreme Court (SC) noong 2006 na may kapangyarihan ang kalihim ng DND na magpatupad ng mga repormang kailangan sa VFP at pinayuhan ang VFP Supreme Council na makipag-ugnayan sa DND sa ilalim ng umiiiral na mga batas.
Ayon sa pinal at dapat ipatupad na desisyon ng SC, kinatigan nito ang kapangyarihan ng Kalihim ng DND sa pag-isyu ng DND Circular No. 04 na magtalaga ng mga kinatawan at mag-isyu ng mga patakaran lalo sa paraan ng eleksiyon ng mga opisyal at disposisyon sa mga ari-arian ng VFP.
Ikinatuwa ng maraming samahan ng mga beterano sa iba’t ibang panig ng bansa tulad ng Defenders of Bataan and Corregidor, Inc.(DBCI) ang ipinakitang “political will” ni Gazmin sa pag-aproba sa bagong Constitution and By-Laws (CBL) upang mareporma ang VFP na itinuring na kaharian ng ilang opisyales nito.
Ayon kay DBCI National Commander Atty. Rafael Evangelista, ipinanukala niya kay Gazmin na magtatag ng Management Committee upang lubos na maipatupad ang CBL na pakikinabangan ng nakararaming beterano at pamilya ng mga ito hindi tulad ngayon na nagtatamasa lamang ang iilan sa VFP.