MANILA, Philippines - Isasailalim ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa lifestyle check matapos na masangkot ang ilang miyembro nito sa robbery at kidnapping.
Ayon kay Usec. Abigail Valte na suportado ng Palasyo ang mungkahi ni DILG Sec. Mar Roxas na lifestyle check sa mga miyembro ng PNP at ito ay nakikipagkoordinasyon na kay BIR Chief Kim Henares.
Kaya sinabi ni Valte, asahan ng publiko na mabilis na kikilos dito ang BIR upang matukoy ang mga nagpapayaman sa puwesto.
“Commissioner (Kim) Henares works really fast. What Commissioner Henares always says is that if there is something initiated, these are always confidential. Meaning, we will know of the results once they have filed the proper cases,” dagdag pa ni Valte.
Magugunita na matapos madakip ang mga pulis na nagsagawa ng hulidap sa Edsa-Mandaluyong ay iniimbistigahan ang kabuhayan ng mga ito at nalaman na ang ilan sa kanila ay pawang may mga assets na umaabot sa milyong piso gayung isang pangkaraniwang pulis lang ang mga ito.