MANILA, Philippines - Dahil sa ipinatutupad na Indigenous People’s Right Act (IPRA) ay posibleng tuluyan ng mamatay ang turismo at negosyo sa Palawan.
Ito ang sinabi ni Dr. Orlando Sacay, lider ng Northern Palawan Tourism Investors Council na binubuo ng mga resort owners sa Boracay at Coron, Busuanga sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Tourism at House Committee on National Cultural Communities na dinaluhan din ng mga kinatawan mula sa National Commission on Indigenous People (NCIP) natigil ang pagpapadebelop ng mga negosyo at resorts sa Coron at Busuanga dahil sa umano’y pakikialam ng mga maliliit na grupo ng mga katutubo na umaangkin sa mga lupain dito sa pamamagitan ng pagkuha ng Certifiate of Ancestral Domain Title (CADT).
Inihalimbawa ni Sakay ang Two Seasons Resort sa Coron; Correos Internacionale, Inc. na nagtatayo ng 2,000 room hotel sa isla ng Panlaitan sa Busuanga at HIKARI sa Coron na kapwa inisyuhan ng TRO ng NCIP at hiningan ng mga actual at moral damages na umaabot sa milyong piso.
Kaya’t hinimok ng grupo ni Sakay ang dalawang komite na amiyendahan ang IPRA Law lalo na ang mga probisyong papatay sa turismo sa Northern Palawan, alisin sa function ng NCIP ang pagtukoy sa ancestral domain at idagdag sa Bureau of Lands at ang kapangyarihan ng pag-iisyu ng CADT ay dapat baklasin sa NCIP.