MANILA, Philippines - Nagsampa ng reklamo ang isang 18-anyos na dalagang estudyante laban sa dalawang pulis na gumahasa sa kanya sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay.
Ang biktima ay itinago sa pangalang Melissa, 2nd year college student ng Sibugay Technical Institute Incorporated (STII) at kumukuha ng kursong Hotel and Restaurant Management (HRM).
Ang dalawang pulis na agad nadakip ay nakilalang sina PO1 Bideri Gani, miyembro ng Siay Municipal Police Station at PO1 Julkaiser Hayudin Sali ng Malangas Police; pawang nasasakupan ng Zamboanga Sibugay at ang sibilyan na si Mumar Furuc na siya umanong nagpakilala sa biktima.
Ang mga suspek ay isinailalim na sa inquest proceedings sa kasong rape at serious illegal detention at nakatakda rin isalang sa drug test upang mabatidd kung lulong sa droga nang isagawa ang krimen.
Sa ulat ni Inspector Dahlan Samuddin, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9 na nitong Setyembre 9 ay nagsuplong sa pulisya ang biktima matapos makatakas sa boarding house ng isa sa mga suspek bandang alas-2:00 ng madaling-araw sa Brgy.Bangkerohan sa bayan ng Ipil.
Ayon sa biktima, ipinakilala umano sa kaniya ang isa sa mga suspek ni Furuc noong gabi ng Setyembre 8 kung saan ay kumain sila sa isang fastfood.
Matapos kumain ay nahilo ang biktima at dito na siya dinala ng isa sa mga suspek sa boarding house at pagdating doon ay dumating ang isa pang kasamahan nitong parak.
Ayon sa biktima halinhinan umano siyang ginahasa ng dalawang parak at ikinulong noong gabi ng Setyembre 8 hanggang sa makatakas kinabukasan ng madaling araw.
Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operations kamakalawa ang mga operatiba ng Ipil Municipal Police Station at nasakote ang mga suspek.