1 pulis na dawit sa EDSA hulidap sumuko

MANILA, Philippines - Sumuko kahapon sa tanggapan ni Quezon City Police District Director Police Supt. Richard Albano ang isa sa mga pulis na dawit sa Edsa hulidap.

Ang sumukong suspek ay kinilalang si Senior Insp. Allan Emlano ng Northern Police District.

Ayon kay Emlano, wala anya siyang nalalaman sa pangyayari at ikinagulat din anya niya ang pagkakadawit sa kanyang pangalan ni PO2 Jonathan Rodriguez, gayong hindi umano niya ito kilala.

Si PO2 Rodriguez ay nakatalaga sa QC Police District’s Public Safety Battalion na nadakip nitong nakaraang Lunes at nagturo kay Emlano na isa sa sangkot sa insidente.

Inamin ni Emlano na kaklase niya sa Philippine National Police Academy (PNPA) ang ilang pulis na kasangkot, partikular si Chief Insp. Joseph De Verra, subalit hindi na umano sila nagkikita ng mga ito.

Si Emlano na kabilang sa PNPA batch 2001 ay na-AWOL sa serbisyo dahil sa hindi nito pagpasok simula noong Nob 6, 2012 at august 14, 2013 bunga ng problema sa pamilya.

Show comments