Fiera nahulog sa bangin: 13 patay

MANILA, Philippines - Nasawi ang 13 katao kabilang ang labing da­lawang  estudyante ng high school  habang tatlo ang nasugatan nang aksidenteng mahulog ang Ford Fiera (ABF-436) na kanilang  sinasakyan sa  300 talampakang lalim ng bangin   sa highway Brgy. Bangbangayen, Buguias, Benguet kamakalawa ng hapon.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Jera Flair Mayao,15; Maricel Basatan,13; Jera Madiano,15; Jeribeth Simeon,12, Jasmin Lestino,15; Nenerva Menzi,16; Angie Aguien, 15; Meljoy Agustin,15; Ivonne Bestre, 13; John Ray Dalisdis, 16; Mari Faith Lamsis, 16; Charee Bestre, 15 na pawang mga estud­yante ng Poblacion National High School.

Malubhang nasu­gatan naman sina Reyshan Latuwed,18; Jamerose Bankin,15; kapwa naka-confine sa Baguio Gene­ral Hospital at Elejoy Agpayasa, 17, ginagamot naman sa Lutheran Hospital.

Batay sa ulat ni  Supt. Davy Vicente Lim-mong, Spokesman ng Cordillera Police, dakong alas-5:50 ng hapon ay kasaluku­yang bumabagtas sa matarik na highway ang Fiera na minamaneho ni Dalisdis  na sinasakyan ng mga estudyante pauwi sa kanilang mga bahay nang magloko umano ang makina ng sasakyan bunsod upang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at tuluyang bumulusok sa bangin.

Show comments