MANILA, Philippines - Walang nagbago at tila ba nauulit ang “routine” na pagtaas na krimen at ginagawa na lamang umanong money making ang krimen lalo pa’t papalapit ang Pasko.
Ito ang tahasang sinabi ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) founding chairman at President Dante Jimenez at magulo na anya ang bansa bunsod ng “breakdown of peace and order”.
Ayon kay Jimenez, 24 taon na ang kanyang kampanya kontra krimen, at ngayon lamang niya nakitang walang pagbabago sa sitwasyon sa paglaban sa krimen at sa halip ay mas lalo pang paglala.
Nakalulungkot anyang makita sa mga ulat na maraming krimen ngayon na pulis pa ang suspek.
Kabilang na rito ang kaso ng pamamaril ng pulis sa race car champ na si Enzo Pastor bukod pa sa pagkakasangkot ng pulis sa Lingayen, Pangasinan na sa nakuha nilang impormasyon ay nagiging “haven” na ng drug lords, assassin, at mga nagpapautang at ang bago ay 9 na pulis ang nangidnap sa EDSA na pawang mga miyembro ng QCPD- La Loma Station 1.
Ang malala pa anya ngayon, nagagamit na sa pulitika ang pulisya at ang kampanya kontra kriminalidad. Kinakasangkapan anya ang pulisya para sa “pagpapapogi” ng imahe ng ilang pulitiko.
Naniniwala si Jimenez ito’y dahil na rin sa palpak na pamamalakad ng pamunuan ng Department on Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP).