MANILA, Philippines - Tila isang malaki at mahabang parking lot ang kahabaan ng North Luzon Expressway mula Malinta Exit sa Valenzuela City hanggang Balintawak at diretso sa A. Bonifacio Avenue dahil sa pagdagsa ng napakaraming mga delivery truck kahapon.
Nabatid na pasado alas-7 ng umaga nang mag-umpisa ang pagbibigat ng trapiko sa A. Bonifacio dahil sa tambak na mga delivery truck na nais makapasok sa C3 Road. Nagtuloy-tuloy ang pagbubuhol ng trapiko hanggang sa umabot ng NLEX Malinta Exit habang naapektuhan na rin ang Quirino Avenue at Mindanao Avenue.
Dahil dito, maraming mga motorista at mga empleyado na papasok sa trabaho ang nahuli sa kanilang oras, maging sa mga empleyado na pumapasok sa Valenzuela at sa Caloocan City. Aabot sa higit dalawang oras bago makalusot ang isang sasakyan sa matinding buhol na trapiko sa NLEX.
Pasado alas-12 na ng tanghali, halos wala pa ring galawan ang mga sasakyan sa kahabaan ng NLEX. Sinisi naman ng pamunuan ng NLEX at ng mga motorista ang ipinapatupad na “one lane policy” para sa mga trak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagbibigat ng daloy ng trapiko.