MANILA, Philippines - Apat na lalaki na suspek sa pagbaril at pagpatay kay Police Chief Insp. Roderick Medrano, ng Quezon City Police District-station 4 ang magkakasunod na nadakip sa isang operation.
Kinilala ang mga suspek na sina Clemente Berzosa, 49; Larry Consolacion, 42; Joean Marco, 41; at Rodener Necesito, 39; pawang residente sa Brgy. Commonwealth.
Nadakip ang mga suspek ilang oras matapos ang pagbuo ng Task Force Medrano na pinamunuan ni Police Senior Supt. Procorpio Lipana kung saan isang impormasyon ang natanggap hingil sa isang get away vehicle na ginamit ng mga suspek ang namataan sa kahabaan ng Central Avenue, sa lungsod.
Dakong ala-1:15 ng madaling araw, nang tinungo ng tropa ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit at natiyempuhan ang isang kulay itim na motorsiklo na for registration ang plaka sakay ang isang lalaking walang suot na helmet saka inimbitahan ito para sa imbestigasyon.
Isa pang impormasyon ang muling natanggap ng CIDU na isa pang gate away vehicle ng mga suspek na Toyota Tamaraw FX ang nakita sa loob ng parking lot ng Commonwealth Market sa lungsod at dito ay naaresto si Bersoza habang may sukbit na baril.
Narekober din ang isang granada at isang kalibre 45 baril na may tatlong magazines na puno ng bala; apat na cellular phones at isang hand held radio.
Habang papasok sa loob ng palengke, ay nakita naman ng otoridad si Marco na may sukbit na baril habang nagtatago malapit sa isang hagdanan at inaresto. Narekober sa kanya ang isang kalibre 30 US carbine M1 at mga bala.
Habang papunta ang mga operatiba sa Totoya Tamaraw FX ay nakita ng mga ito ang mga suspek na sina Consolacion at Necesito na nakatayo sa tabi nito at agad din silang naaresto.
Narekober kay Consolacion ang isang kalibre 45 baril na may dalawang magazine na puno ng bala at isang hand held radio, habang kay Necesito naman ay isang kalibre 38 baril na may lamang apat na bala at isang hand held radio.
Nabatid din na ang mga suspek ay sangkot din sa pagpatay sa isang barangay kagawad, mga mamamahayag at dalawang pulis.