3 impeachment complaint kay P-Noy, ibinasura

MANILA, Philippines – Idineklara ni House Committee on Justice Chairman Niel Tupas Jr., na ang impeachment complaint no. 1, 2 at 3 laban kay Pangulong Aquino na inihain ng grupong Makabayan bloc ay  insufficient in substance kaya’t ito ay ibinasura.

Naging unanimous vote ang tatlong reklamo kung saan 4 ang kongresistang pumabor kabilang sina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Isagani Zarate, Gab­riela Reps. Emmi de Jesus at Luzviminda Ilagan, samantalang 54 naman ang hindi pumabor.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay idineklara ng komite na sufficient in form ang tatlong impeachment complaint.

Sa kasagsagan ng debate ay nagkainitan sina Colmenares at Eastern Samar Rep. Ben Evardone na kalaunan ay ipinabura rin sa record dahil ayon sa chairman ng komite na si Tupas ay “irrelevant, not necessary, personal and unparliamentary” ang naging bangayan ng dalawa.

Matapos ang botohan ay gagawa ng report ang komite saka ito ipapasa sa plenaryo para muling pagbotohan kung tuluyan itong ibabasura.

Nangangailangan ng 97 boto para mabaliktad ang naunang resulta ng botohan.

Ang impeachment complaint 001 at 002 ay kaugnay sa isyu ng Disbursement Acceleration Program (DAP), samantalang ng complaint 003 ay kaugnay naman sa Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCAR).

Show comments