Pakialamero sa away mag-asawa, napatay

MANILA, Philippines - Ang pakikialam umano ng isang lalaki sa away ng isang mag-asawa na kanyang kapitbahay ang naging dahilan ng kamatayan nito matapos barilin ng mister kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

 Ang biktima na idineklarang dead on arrival sa Caloocan City Medical Center dahil sa tinamong tama ng bala sa dibdib ay kinilalang si Francisco Urbano, 46-an­yos, ng Libis Espina St.

Ang suspek na nakatakas at kapitbahay ng biktima ay kinilalang si Amado Casas.

Batay sa ulat, alas-5:30 ng hapon ay nagta­talo at nagsisigawan ang  mag-asawang Casas sa tapat ng kanilang bahay.

Dito ay umeksena ang biktima  at  pinakialaman at umawat sa nag-aaway na mag-asawang Casas.

Hindi ito nagustuhan ng suspek at binunot ang baril sa bewang at pinaputukan ang biktima at nang duguang bumagsak ay mabilis na tumakas ang suspek.

Sinaklolohan ng mga kapitbahay ang biktima at dinala sa ospital, ngunit hindi na naisalba ang buhay nito.

 

Show comments