Lolo dedo sa pag-hostage ng apo

MANILA, Philippines - Napatay ng mga otoridad ang isang 50-anyos na lolo nang mabaril ito ng sniper sa ulo matapos na tangkang saksakin ang binihag niyang apo na isang taong gulang kahapon ng umaga sa Biñan City, Laguna.

Sa ulat, bandang alas-7:30 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang pulisya tungkol sa nagaganap na hostage taking sa bahay ng isang Morsio Casiban sa Brgy. Timbao.

Sumugod sa lugar ang mga otoridad at doon naabutan ang suspek na kinilalang si Romy Sulayao, bitbit ang apo na lalaki sa bubungan habang ang isang kamay ay hawak ang patalim.

Habang nakipag-negosasyon si Police Supt. Noel Alino sa suspek ay pumoste naman ang mga sniper sa hindi kalayuan.

Halos wala na umano sa sarili ang suspek nang ito ay kinakausap at palipatlipat lang nang pagtutok ng patalim sa dibdib at ulo ng apo.

Nang akmang uundayan na ng saksak ang apo ay nakakuha ng ti­yempo ang mga sniper at binaril ito sa ulo na agad nitong ikinasawi.

Agad na kinuha ang sanggol na isinugod sa ospital dahil sa tinamong mga galos sa katawan.

Sa kasalukuyan ay pa­tuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaanak ng suspek upang mabatid ang dahilan ng ginawa nitong pag-hostage sa apo.

 

Show comments