MANILA, Philippines - Nasawi ang apat katao kabilang ang isang jailguard habang 8 ang nasugatan matapos na mauwi sa shootout ang jailbreak sa detention cell ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa bayan ng Siocon, Zamboanga del Norte kamakalawa ng gabi.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina JO1 Ryanbel Bagun at ang mag-amang inmates na sina Ruel Homoc at Precioso Homoc na kapwa nahaharap sa kasong murder at isang hindi pa kilalang inmate.
Ayon kay Chief Inspector Kiram Jimlani, Chief of Police ng Siocon, dakong alas-7:55 ng gabi nang maganap ang jailbreak sa nasabing piitan na matatagpuan sa Brgy. Poblacion.
Lumalabas sa ulat, na kasalukuyang ini-eskortan ni Bagun ang ilang preso pabalik sa kanilang selda matapos maghapunan.
Nang buksan ang pinto ng selda ay bigla na lamang inagaw ng mag-amang Homoc ang cal. 45 pistol at shotgun at pinaputukan ang jailguard na siya nitong ikinamatay.
Naalarma naman ang iba pang jailguards at maging ang mga elemento ng Siocon Police na nasa 25-30 metro lamang ang layo sa piitan kaya’t mabilis na nagresponde na nauwi sa shootout sa pagitan ng mga ito at ilang armadong preso na ang mga kasamahan ay nagtatrabaho sa labas ng selda.
Nabatid na nagtatakbo ang mga inmate, subalit hindi na nagawang makalayo nang tugisin sila isa-isa sa loob ng compound at ilan sa mga ito ay nahuli.
Isinugod naman sa Siocon District Hospital ang mga nasugatang sina PO3 Romel Jay Hachuela, PO1 Paul Tomboc; JO2 Rolan Felizarta at JO1 Patrick Galvez, mga presong sina Lito Magsayo (may kasong murder), Reneboy Homoc (murder) Wilmark Canunyo (robbery homicide) at Zanaida Inso.