Problemado dedo sa 2 pulis

MANILA, Philippines - Patay sa dalawang pulis ang isang obrero nang ito ay barilin matapos na magwala at tangkaing saksakin ang isa sa dalawang pulis kamakalawa sa Plaza Morga, Tondo, Maynila.

Ang biktima na binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Mary Johnston Hospital ay kinilalang si Romar Pedrosa, tinatayang nasa edad  35-40 at isang cons­truction worker.

Bago ang insidente, dakong alas-2:30 ng hapon ay napansin na ng nakatalagang pulis na si PO1 Resty Hipolito, 32 ng Manila Police District-station 2 (Moriones) na may hawak na malaking bato at may nakasuksok sa beywang na buriki ang biktima  kaya sinita niya ito.

Ikinagalit ito ng biktima at binato ang hawak na bato kay PO1 Hipolito na natamaan sa tiyan.

Pinasuko ni PO1 Hipolito ang biktima, suba­lit inatake siya nito ng saksak kaya’t binaril niya ito sa kanang hita.

Kahit may tama ay  pa­tuloy ito sa pag-atake kaya’t muling binaril ni PO1 Hipolito ang kaliwang hita.

Nagkataon naman na napadaan sa lugar si PO2 Eugene Morales, 35, nakatalaga sa MPD-District Headquarters Support Unit at nakita ang ko­mosyon kaya’t sumaklolo at sinunggaban ang biktima.

Nakahulagpos ang biktima at tinangka umanong atakehin ng saksak si PO2 Morales at muling binaril ito ni PO1 Hipolito sa katawan.

Nabatid na bago ang pangyayari ay pagala-gala at nambabato ng mga sasakyan ang biktima na tila may problema.-Ludy Bermudo, Patrick Roy Andal

Show comments