MANILA, Philippines - Malubhang nasugatan ang isang radio broadcaster ng DWIZ matapos barilin ng isang lalaki habang pauwi na sa bahay nito sa Dagupan City, Pangasinan kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Sr. Supt. Christopher Abrahano, hepe ng Dagupan City Police ang biktima na si Orly Navarro, 55-anyos nagtamo ng isang tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan na agad dinala sa pagamutan.
Si Navarro ay broadcaster ng DWIZ na nakabase sa Dagupan City na pag-aari ng Aliw Broadcasting Corporation.
Batay sa ulat, bandang ala-1:00 ng madaling araw ay naglalakad ang biktima sa Crossing ng Kalye 29 at Nable St. Brgy. Pantal West sa nasabing lungsod pauwi sa kanilang bahay ng makita nito sa daan ang kaniyang kumpare.
Nakipag-usap muna ang biktima nang sumulpot ang suspek at binaril ito habang nakatalikod at mabilis tumakas patungo sa direksyon ng Kalye 29.
Sinisilip ang motibo ng pamamaril sa biktima ay ang walang puknat umano nitong pagbanat sa operasyon ng illegal na droga sa kanilang lugar.