MANILA, Philippines - Kinumpirma ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ang jihadist group na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ay nagsasagawa ng pagre-recruit sa mga kabataang Davaoenos na kung saan ang karamihang na-recruit ay umalis na ng bansa noong nakalipas na buwan.
Ayon sa pahayag ni Duterte sa kanyang lingguhang programa na “Gikan sa Masa Para sa Masa” na siya ay nagmamalasakit at hindi kinokondena at nalulungkot sa mga kabataang na-recruit sa pag-aakalang sila ay mapapabuti.
Una nang inihayag kamakailan ni dating Pangulo Fidel V. Ramos na nasa 100 Filipino ang naiulat na nagsasanay sa mga jihadists na kamakailan lang ay nagsagawa ng pagpatay sa Iraq at Syria.
Pinabulaanan naman ng Armed Forces of the Philippines ang pahayag ni Ramos at wala umano na na-monitor ng anumang senyales ng pagre-recruit ng jihadist group.
Naalarma rin si Duterte sa natanggap din ulat na ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, ay nangako na tutulong sa ISIS.
Ayon naman kay AFP- Eastmincom Spokesman Captain Alberto Caber, ipinag-utos na ni AFP –Eastmincom Commander Lt. Gen. Ricardo Rainier Cruz ang masusing pagsasagawa ng intelligence monitoring at beripikasyon sa nasabing recruitment.