MANILA, Philippines - Kung hindi pa umalingasaw ang baho ay hindi matutuklasan ang karumaldumal na pagpatay sa isang 2 buwang anyos na sanggol na lalaki ng kanyang 15-anyos na ina na naganap kamakalawa sa liblib na lugar sa Brgy. Ngan, Compostela Valley
Ayon kay Compostela Valley Provincial Police Office Director P/Sr. Supt. Abraham Rojas, dakong alas-2:00 ng hapon isang concerned citizen ang nagsumbong sa himpilan ng pulisya sa nadiskubreng naagnas na bangkay ng isang sanggol na lalaki sa nasabing lugar.
Nabatid na ang sanggol na kung tawagin ng kanyang lolong si Nildo Mancio ay Baby Boy ay nawawala noon pang nakalipas na linggo matapos na dalhin ng ina nitong itinago sa pangalang Mimi.
Bago ang pagkakatuklas sa bangkay ay nakita ng ilang residente noong gabi ng Agosto 22 si Mimi na nagtungo sa sagingan bitbit ang kanyang 2 buwan at 23 araw na sanggol.
Nang tanungin si Mimi ng kaniyang amang si Nildo ay sinabi nitong ipinaampon na niya ang anak sa isa kaibigan sa Brgy. Sasa, Davao City para wala na umanong problema sa pag-aalaga dito.
Hindi naman natagpuan ng mga magulang ni Mimi ang apo sa kabila ng paghahanap nila sa kanilang apo sa loob ng ilang araw.
Nang tunguhin ng pulisya ang lugar kung saan inilibing sa isang mababaw na hukay ang sanggol na tinabunan pa ng dahon ng saging at binusalan ng puting tela ang bibig ay nakumpirma ni Mang Nildo na ito ang kaniyang apo dahilan sa suot nitong damit at feeding bottle sa tabi ng bangkay.
Tumakas si Mimi na kung saan kapag nadakip ay nakatakdang ipasuri upang mabatid kung nasisiraan ito ng pag-iisip ng gawin ang krimen.