MANILA, Philippines - Apat ang nasugatan sa pamamaril ng nakamaskarang riding-in-tandem sa kanto ng Edsa at Cabrera Street, Pasay City, kahapon ng madaling araw.
Ang mga nasugatan ay kinilalang sina Saddam Cerera, nasa hustong gulang, barker na tinamaan ng bala sa noo na umano ay siyang target ng pamamaril; Ricky Geraldino, 34, bus dispatcher, Aaron Dominique Talban, 23, data analyst, at Fred Belogot, tricycle driver na kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa kani-kanilang katawan.
Batay sa ulat, dakong alas-3:20 ng madaling-araw ay naglalaro ng cara y cruz ang tatlong biktima sa Edsa Avenue, Zone 15, Brgy, 142 nang dumaan ang isang motorsiklo na walang plaka sakay ang dalawang suspek at pinagbabaril si Cerrera na kung saan ay tinamaan din ang dalawang kalaro nito at ang dumadaan na si Talban.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pamamaril kay Cerrera.