ABB hitman, natimbog

MANILA, Philippines - Isang lalaki na umano ay hitman ng Alex Boncayao Brigade (ABB) at pangunahing suspek sa pagpatay  sa isang barangay kagawad ang nadakip, kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City.

Ang suspek na dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Isabela Regional Trial Court ay kinila­lang si  Arnold Vinaso, alyas  “Jerry/Jeffrey/Bunong”.

Sa ulat, dakong alas-2:00 ng hapon nang maaresto ang suspek sa may Sitio Pinalagad, Brgy. Malinta sa naturang lungsod.

Nabatid na matagal nang pinaghahanap ng batas si Vinaso makaraang tumakas kasama ang 19 pang preso sa Isabela Provincial Jail noong Agosto 13, 2001.

Ito rin ay itinuturong gunman sa pagpatay kay Barangay Councilor Dante Castaneda sa Cataguing, San Mariano, Isabela noong 1998.

May kinakaharap rin itong warrant of arrest sa Valenzuela City Regional Trial Court Branch 172 sa kasong pagpatay noong 2003 sa may Sitio Pinalagad, Malinta, Valenzuela.

Show comments