Mag-asawa todas, 2 anak sugatan sa salpok

MANILA, Philippines - Hindi na u­mabot ng buhay sa ospital ang isang mag-asawa habang nasugatan naman ang kanilang dalawang tinedyer  na anak matapos na bumangga ang kanilang sinasakyang owner-type jeep sa isang kongkretong pader sa Mandaluyong City kahapon ng umaga.

Ang mag-asawang nasawi ay kinilalang sina Rocambuy, 55, at misis nitong si Lilibeth Rebong, 51, kapwa residente ng No.2G Thomas St., Meralco Village, Bina­ngonan, Rizal. Kapwa nagtamo ang mag-asawa ng matinding pinsala sa ulo at katawan. Habang ang dalawang anak nito na nasugatan ay kinilalang sina  Loraine, 18, at Lance, 16. Sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-9:25 ng umaga sa Shaw Boulevard, tapat ng Lee Tower sa Barangay Addition Hills ng lungsod ay bumibiyahe umano ang mag-anak sakay ng kanilang owner-type jeep (DNZ-247) na minamaneho ni Rocambuy nang bigla na lang umano itong mawalan ng kontrol sa manibela at sumalpok sa isang Mitsubishi Adventure FX taxi (UWN-199) na minamaneho ni Elpidio Quilang, bago tuluyang sumalpok sa konkretong pader ng Lee Tower.

Inaalam ng pulisya kung totoo ang ulat na may sakit si Rocambuy na inatake habang nagmamaneho na nagresulta ng aksidente.

Show comments