Truck ng NFA rice tinangay ng driver

MANILA, Philippines - Tinangay mismo ng driver ang kanyang minamanehong truck na may lamang 270 sako ng NFA rice kamakalawa ng hapon sa Pasay City.

Ang suspek ay kinilalang si Joel Dacuma, may-asawa, residente ng no. 145 Elena St., Maricaban ng nasabing lungsod.

Sa sinumpaang reklamo kahapon sa Pasay Police ni Jayson Dimailig, 27, may-ari ng truck, ng St. Peter St., Maricaban na dakong alas-3:30  ng hapon noong Biyernes ay idedeliber ni Dacuma ang naturang mga bigas sa NFA outlet sa Maricaban Talipapa.

Bandang alas-4:00 ng hapon habang minamaneho ni Dacuma ang truck (ZKS-174) ay tumawag ito kay Dimailig at iniulat na siya ay nahuli sa daan na sanda­ling iyon ay kasama nito ang isang Alfie.

Pinayuhan ni Dimailig si Dacuma na ayusin na lamang ang problema para maideliber agad ang bigas.

Hanggang kahapon ng madaling-araw ay hindi na nakontak si Dacuma at hindi na ito sumasagot sa tawag sa cellphone.

Nagpasya si Dimailig na puntahan ang NFA outlet na pagdadalhan ng naturang mga bigas, subalit hindi umano naideliber doon ang nasabing 270 sako ng NFA rice.

 

Show comments