13-anyos tepok sa suntok ng 14-anyos

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa Cebu City Medical Center ang isang 13-anyos na binatilyo nang manikip ang dibdib nito at hindi makahinga matapos na suntukin ng 14-anyos nitong kalaro naganap kamakalawa sa Brgy. Mambaling, Cebu City. 

Ang nasawi ay kinilalang si Hector Vergara, residente sa lugar  habang itinago naman sa pangalang Rex ang sumuntok sa kanya.

Batay sa ulat ng Cebu Police, bago nangyari ang insidente dakong alas-4:00 ng hapon sa lugar ay binuyo ng ibang kalaro ang biktima at suspek na magsuntukan at kung sino ang hindi tumumba ay siyang matibay.

Nadala sa buyo ang dalawang binatilyo at sila ay nagsuntukan at walang umawat sa kanila dahil umano ay katuwaan lang.

Tinamaan ang biktima ng dalawang beses sa dibdib at sikmura bunsod upang magsikip ang paghinga nito at bumagsak.

Dahil nasaktan ay umayaw na ang biktima na nagawa pang maglakad  patungo sa isang tindahan, pero bigla itong hinimatay at aksidenteng tumama ang ulo sa cooler na bagaman naisugod pa sa pagamutan ay hindi na naisalba ang buhay.

Itinurnover na sa lokal na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 14 anyos na suspek.

 

Show comments