MANILA, Philippines - Kapwa idineklarang dead on arrival sa Las Piñas City District General Hospital ang isang magkapatid nang sila ay saksakin ng hindi pa kilalang lalaki na nakatalo ng isa sa magkapatid sa sugal na cara y cruz kamakalawa ng gabi sa nasabing lungsod.
Ang magkapatid na nasawi dahil sa limang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang sina Vincent, 28 at Brando Salido, 21, kapwa residente ng #169 Diamond St., Phase-5 BF Martinville, Barangay Manuyo Dos ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ng pulisya, bago naganap ang insidente sa kanto ng 6th at Diamond Sts., Phase 5, BF Martiville, Barangay Manuyo Dos ng nabanggit na lungsod ay kalaro ni Brando ang suspek sa cara y cruz.
Ilang sandali ay hindi umano nagkasundo ang dalawa sa kanilang pagtaya dahilan para sila ay magtalo.
Pinagsusuntok ng suspek si Brando at ng hindi nakuntento ay pinagsasaksak pa ito at pagkatapos ay tumakas.
Habang tumatakas ay namataan nito ang kapatid ni Brando na si Vincent at ito rin ay kanyang sinaksak.
Ang magkapatid ay dinala ng kanilang kaanak sa nasabing ospital, subalit namatay din ang mga ito.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang sumaksak sa magkapatid.