Porter kinatay

MANILA, Philippines - Isang porter ang patay makaraang ataduhin ng taga sa katawan ng mga hindi nakikila­lang salarin malapit sa Balintawak market sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.

Nakilala lang ang biktima sa alyas na  Bobby, porter, nasa pagitan ng edad na 35-45, may taas na 5’7, mahaba ang buhok, may kaputian, katamtaman ang pa­ngangatawan, nakasuot ng long sleeve, camouflage na t-shirt at kulay asul na jogging pants.

Ayon sa pulisya, naabutan nila ang biktima na duguan dahil sa maraming tama ng taga at saksak sa buong katawan sa  ilalim ng overpass ng Balintawak Public Market, Brgy. Balingasa, Balintawak, ganap na alas 8:50 ng gabi.

Sinabi ng isang testigo na bigla na lang nagkaroon ng komosyon sa lugar at nakita na lang niyang pinagtataga ng mga suspek ang biktima at mabilis na nagsitakas dala ang kani-kanilang mga armas.

Agad naman na isinugod sa  Quezon City Ge­neral hospital ang biktima pero idineklarang dead-on-arri­val. Patuloy ang pagsisiyasat ng otoridad sa nasabing insidente.

 

Show comments