MANILA, Philippines - Todas ang pito katao makaraang magbakbakan ang dalawang magkalabang angkan sa Lower Cabeng beng, Sumisip, Basilan, ayon sa ulat kahapon.
Batay sa report na natanggap ng Philippine Army, tinukoy na ang grupo nina Abubakar Palaman at Jabbar Sandiki ang sangkot sa clan war.
Nabatid na muling nagsagupa ang magkalabang angkan sa nasabing lugar na ikinasawi ng apat mula sa grupo ni Palaman at tatlo naman mula sa angkan ng mga Sandiki.
Sa tuwing magkakasalubong umano ang landas ng dalawang angkan ay palaging nauuwi sa patayan ang mga ito.
Lumikas naman ang nasa 1,050 pamilya mula sa mga naapektuhang lugar sa Brgy. Upper Cabling, Sapa Bulak, Languyan, Mebak at Etub-Etub sa takot na madamay sa clan war.
Sa kasalukuyan, pumagitna na ang tropa ng Joint Task Force Basilan upang mapigilan ang posible pang pagpapanagupa ng magkalabang angkan.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito.