MANILA, Philippines - Itinumba ng hindi pa kilalang mga suspek ang isang 22-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ito habang papauwi na ng bahay kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Nakuha sa bulsa ng biktima na nakilalang si Harold Anno, jobless ng Brgy. Commonwealth ang isang kapirasong papel na may nakasulat na “Drug adik ako at tulak, huwag tularan”.
Sa kasalukuyan ay blangko ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspek dahil walang nakakita nang pagbabarilin ang biktima na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa ulo at katawan.
Lumalabas sa imbestigasyon, dakong alas-2:13 ng madaling-araw sa eskinita ng Steve St., Brgy. Commonwealth nang pagbabarilin ang biktima.
Nabatid na galing sa lamay ang biktima at papauwi ng kanilang bahay nang mangyari ang insidente.
Ayon naman sa kaanak na tanging paninigarilyo at pag-inom ng alak ang bisyo ng biktima kaya’t nagtataka sila kung bakit sinasabing adik ito sa droga.