MANILA, Philippines - Namatay noon din ang isang obrero matapos umanong madulas at mahulog mula sa bubungan ng ikalawang palapag ng gusali sa Pasig City kahapon ng umaga.
Ang nasawi ay kinilalang si Joven Vital, nasa hustong gulang, residente ng Barangay Layunan, Binangonan, Rizal.
Sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-9:00 ng umaga sa bubungan ng MCGK World Works Compound, Barangay Maybunga, Pasig City ay isinama ang biktima ng kanyang foreman na si Demetrio Cala sa pag-ayos ng kawad ng kuryente sa bubong ng naturang gusali.
Matapos maayos ay naiwan sa bubong ang biktima habang bumaba na ang dalawang kasama nito.
Pagkababa ng dalawa ay nakarinig sila ng sigaw at nakahandusay ang biktima sa ground floor.
May hinala ang pulisya na posibleng nadulas ang biktima dahil sa basa ang bubong sanhi ng pag-ulan.