Miyembro ng gang, itinumba kahit nagmamakaawa

MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagmamakaawa ng isang lalaki na huwag siyang patayin ay tila bingi ang limang suspek at siya ay pinagbabaril parin hanggang sa masawi kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Walang nakuha na anumang pagkakakilanlan sa biktima na inilarawan ng mga otoridad na may tattoo na Commando sa kanang hita at “Robert” sa katawan, nasa pagitan ng edad na 20-25, may taas na 5’5”, may kapayatan, at nakasuot ng sando at short pants.

Batay sa salaysay ng isang street sweeper dakong alas-3:15 ng mada­ling-araw sa Kalapati St., kanto ng Sto Niño St., Brgy. Holy Spirit ilang metro ang layo niya nang marinig ang isang lalaki na nagmamaka awa sa ilang kalalakihan.

Ilang sandali ay nakarinig siya ng putok ng mga baril at kasunod ang mga pagharurot ng limang motorsiklo hanggang sa makita niya ang biktima na duguang nakahandusay sa lugar.

Agad na ipinagbigay alam nito ang insidente sa barangay na siya namang tumawag ng otoridad para sa imbestigasyon.

Ayon sa barangay, tanging alyas Oca lamang ang pagkakilala nila sa biktima dahil bihira lamang itong umistambay sa kanilang lugar.

Show comments