MANILA, Philippines - Nasawi sa sunog ang tatlong katao kabilang ang isang buntis na ginang at anak nitong lalaki nang makulong sa nasusunog nilang bahay kamakalawa sa Brgy. Coronan, Sta. Cruz, Davao del Sur.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Noriza Hilay, 8 buwang buntis, anak nitong si Paolo, 2-anyos at pamangking si Hinata, 3-anyos.
Sa ulat, dakong alas-12:00 ng tanghali ay kasalukuyang mahimbing na natutulog sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ang ginang kasama ang anak at pamangking paslit ng magsimula ang sunog.
Tinangka umano nitong gisingin ng kasamabahay ang ginang, subalit masyado ng makapal ang usok at malaki ang apoy.
Narinig ng mga kapitbahay ang pag-iiyakan ng mga biktima sa paghingi ng saklolo.
Iniimbestigahan kung electrical short circuit sa sanhi ng sunog.