MANILA, Philippines - Bunsod ng pagbebenta ng mga produktong lagpas ang presyo sa pinaiiral na Suggested Retail Prices (SRPs), kaya inisyuhan ng Departmet of Trade and Industry (DTI) ng “show cause orders” ang anim na mga supermarket at 33 tindahan sa Metro Manila.
Pinagpapaliwanag ng DTI ang mga may-ari ng tindahan bago ang posibilidad na masampahan ng kasong paglabag sa “The Price Act of the Philippines”. Sa ilalim nito ang mga mapapatunayang nagkasala ay maaring patawan ng parusang pagkakulong ng mula lima hanggang 15 taon at multa na mula P5,000 hanggang P1 milyon.
Tinukoy ng DTI ang sumusunod na mga supermarket na hindi umano sumusunod sa SRP: Cash and Carry Supermarket sa Makati; Landmark Supermarket sa Makati; Topline sa Las Piñas; Shopwise Supermarket sa Muntinlupa; Waltermart sa EDSA at South Supermarket sa Valenzuela.
Ang 27 tindahan at stalls naman na nakitang lumabag ay pawang nasa: Pritil Public Market sa Maynila; Libertad Public Market sa Pasay; Muntinlupa Public Market; Comembo Public Market sa Makati; New Las Piñas Public Market; Agora Public Market sa Navotas; Malabon Central Market at Bonifacio Public Market sa Caloocan.
Ayon sa DTI, ito ang resulta ng isinagawang inspeksyon ng kanilang mga tauhan sa iba’t ibang supermarkets at mga palengke para matiyak na sumusunod ang mga negosyante sa tamang presyo ng mga bilihin.
Kabilang sa mga produktong madalas na inaabuso ang presyo ang mga de-latang pagkain tulad ng sardinas, meat loaf, beef loaf, luncheon meat, corned beef, coffee refill, panlabang sabon, fish sauce, soy sauce, gatas, suka, sabon, at baterya.