Anak ng negosyante sa Zambo, kinidnap

MANILA, Philippines - Kinidnap ng limang kalalakihan ang isang anak na batang babae ng isang negosyante kamakalawa ng hapon sa Brgy. Poblacion, Oluntanga, Zamboanga Sibugay.

Ang biktima ay kinilalang si Princess Jewel Mariel Nique, 9, anak ng negosyanteng si James Nique Jr.

Sa ulat ni Captain Salvador Suelto, Spokesman ng Army’s 1st Infantry Division, naganap ang pagdukot sa biktima dakong alas-4:20 ng hapon sa loob ng pag-aaring snack bar ng mga magulang nito sa Brgy. Poblacion, Olutanga na malapit sa tabing dagat.

Nabatid na tatlo sa mga kidnaper  ang pumasok sa establisyimento at sinunggaban ang bata.

Wala  namang nagawa ang mga waiter at waitress sa nasabing snack bar sa matinding takot sa mga kidnaper na dalawa ay armado ng M16 rifles habang ang iba pa ay maikling mga armas.

Dalawa pa sa mga suspek ang naghihintay sa bangka na siyang ginamit ng mga kidnaper sa pagtakas na namataang tumahak sa kanlurang direksyon ng Brgy.Taguisan, Mabuhay ng lalawigan.

Nagsasagawa na ng search and rescue operations ang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya.

Show comments