MANILA, Philippines - Dedo ang dalawang babaeng estudyante habang kritikal ang kondisyon ng isa, nang sumemplang ang motorsiklong sinasakyan ng mga ito sa Ayala Bridge, sakop ng San Miguel, Quiapo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot ang mga biktimang sina Sheranebeth Ocampo Y Gedor, 20, estudyante ng Philippine College of Health and Sciences Inc at residente ng no. 263 Area-H Parola Compound, Tondo at Jenee Anne Lingal, estudyante ng National Teachers College at residente ng no. 356 P. Casal St., Quiapo, Manila, habang kritikal ang kondisyon ni Jane Margarita Lastrollo Y Adan, 21, estudyante din ng National Teachers’ College at residente ng no. 165 Santolan Road, West Crame, San Juan City sa Philippine General Hospital.
Sa ulat ng pulisya ang insidente ay naganap dakong alas-11:00 ng gabi ng Huwebes sa Ayala Bridge kung saan mabilis umanong minamaneho ni Ocampo ang Kawasaki (6066-HZ) habang angkas nito sina Lingal at Lastrollo. Dahil sa basa ang kalye ng tubig-ulan ay naging madulas ito sa gulong kaya sumemplang at humampas sa gutter ang ulo ni Ocampo, habang ang dalawa nitong angkas ay tumilapon at lumagapak naman sa bangketa.
Batay din sa ulat, pawang nakainom ang tatlo na posibleng dahilan din kaya hindi nakontrol ni Ocampo ang pagmamaneho.