MANILA, Philippines - Isang motion for reconsideration ang inihain ng aktres na si Katrina Halili sa Legal and Investigation Division ng Philippine Regulation Commission (PRC) para kuwestiyunin ang pagpapabalik ng medical license ni Hayden Kho.
Sa walong pahinang mosyon ni Halili, sinabi nito na premature ang paggawad ng PRC ng reinstatement kay Kho.
Sinabi ni Atty. Raymund Palad, hindi pa tapos ang dalawang taong waiting period ni Kho bago pagbigyan ng PRC ang kanyang petition for reinstatement, lalo pa’t may pending itong apela sa court of appeals.
Kinuwestyon din ng kampo ni Halili na nilabag ng PRC ang kanilang 2013 revised rules and regulations in administrative investigation, dahil hindi man lang ipinatawag sa hearing ang kanyang kliyente kaugnay ng petisyon ni Kho.
Magugunita na noong nakaraang linggo ay binalik ng PRC ang petition for reinstatement ni Kho para sa kanyang lisensiya bilang doktor.