Sanggol hinostage ng adik na ama

OLONGAPO CITY, Philippines – Arestado ang isang ba­ngag na ama makaraang  i-hostage ang sariling anak na apat na buwang gulang kamakalawa ng umaga sa lungsod na ito.

Kinilala ni P/S Insp. Jaime Bada, hepe ng Station 6 ng Olongapo City Police Office, ang suspek na si Joseph Odicta, 34, ng Barangay Barreto ng lungsod.

Sa ulat, dakong alas-8:00 ng umaga nagtungo sa himpilan ng pulisya ang live-in partner ng suspek na itinago sa pa­ngalan na “Mariz” para isumbong ang panggugulpi sa kanya at pagbihag sa kanilang anak.

Nagresponde ang mga pulis at nakipagnegosasyon sa suspek na kasalukuyang bangag sa droga.

Ngunit sa halip na sumuko ay naging marahas ang suspek habang nakatutok ang patalim sa katawan ng bata. Humi­ling ang suspek sa pulisya na mapag-isa at habang naglalakad karga ang bata ay agad na tumalon ito para makatakas.

Hinabol ito ng mga pulis hanggang masukol ito sa isang bahay sa kalapit na barangay San Isidro, Subic, Zambales at nagawang maagaw ng isang pulis ang hawak na patalim nito at kanyang sanggol.

Dinala sa malapit na pagamutan ang sanggol upang magamot ang tinamo nitong mga galos habang ikinulong na ang suspek.

Show comments