MANILA, Philippines - Ibinasura ng Court of Appeals ang isinampang motion for reconsideration ng tinaguriang “pork barrel” queen na si Janet Lim Napoles sa kasong illegal detention na isinampa sa kanya ng whistleblower na si Benhur Luy.
Sa dalawang pahinang resolution ni Associate Justice Ramon Garcia, walang nakitang merito sa apela ni Napoles na nakapiit sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.
Walang bagong argumento na iniharap si Napoles para baligtarin ang naunang desisyon at walang pag-abuso sa pagpapalabas ni Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 Judge Elmo Alameda ng warrant of arrest laban kay Napoles.
Nag-ugat ang kaso laban kay Napoles sa umano’y tatlong buwang pagditine sa dati niyang tauhan at ngayo’y pork barrel scam whistleblower na si Luy mula Disyembre 2012 hanggang Marso 2013.
Ang pagkulong kay Luy ay upang maiwasan itong ibunyag ang kanyang nalalaman sa bilyong kinikita ng mga mambabatas sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa pamamagitan ng mga NGOs at ghost projects ni Napoles.