MANILA, Philippines - Dead on the spot ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo matapos na sila ay pagbabarilin habang nasugatan ang isang mag-ama na tinamaan ng ligaw na bala kamakalawa ng gabi sa Navotas.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina King Philip Borja, 30, ng Gov. Pascual St., Gulayan, Barangay San Jose, at Eliseo Tana, 52, ng Buenaventura St., Barangay Tangos, kapwa taga Navotas City.
Sugatan naman ang mag-ama na nilalapatan ng lunas sa Tondo General Hospital na kinilalang sina Apronio Andrino, 39; at John Nikol, 15, kapwa ng M. Domingo St., Barangay Tangos ng lungsod.
Sa ulat, dakong alas-10:00 ng gabi ay binabagtas ng dalawang nasawi ang M. Domingo St., Barangay Tangos nang pagbabarilin sila ng hindi pa kilalang suspek.
Nagkataon na nandoon sa lugar ang mag-ama kung kaya’t tinamaan sila ng ligaw na bala.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pamamaslang sa dalawang biktima.