MANILA, Philippines - Although I was wholly prepared to relinquish my post, I am grateful for the President’s expression of his continuing trust and confidence in my leadership of the Department. I have thus chosen to defer to his better judgment and stay.”
Ito ang inilabas na press statement ni Budget and Management Secretary Florencio “Butch” Abad na manatili na lang sa posisyon matapos na hindi tanggapin ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang pagbibitiw.
Inihayag pa ni Abad na pinag-isipan niyang mabuti ang paghahain ng kanyang resignation noong nakaraang Huwebes sa gitna ng kontrobersiya tungkol sa Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklara ng Supreme Court na unconstitutional.
Idinagdag nito na inaako niya ang buong responsibilidad sa pagbuo at pagpapatupad ng DAP kaya minarapat niyang siya ay magbitiw, pero hindi naman tinanggap ng Pangulo.
Ayon kay Abad, bagaman at nakahanda talaga siyang iwanan ang kanyang puwesto, nagpapasalamat siya at patuloy na nagtitiwala sa kanyang liderato sa DBM ang Pangulo kaya hindi na rin siya aalis.
Ipinaliwanag pa aniya ng Pangulo na ang pagtanggap sa pagbibitiw ni Abad ay nangangahulugan na nagkamali ang kalihim gayong naging kapaki-pakinabang naman umano ang DAP.
Idinagdag ni Abad na determinado siya na patunayan na tama ang naging pagtitiwala ng Pangulo sa kanyang integridad at kakayahan.