Magkapatid na paslit nalunod

MANILA, Philippines - Nalunod ang magka­patid na paslit habang hinahanap pa ang kanilang ate makaraang tangayin sila ng malakas na agos habang tumatawid sa ilog sa bayan ng Sta. Catalina, Negros Oriental nitong Biyernes.

Ang mga biktima ay kinilalang sina Juliet, 8-anyos at Danny  Sabanal, 6-anyos na ang bangkay ay narekober ng search and rescue team ilang oras matapos na matangay.

Patuloy namang pinaghahanap ang ate nilang si Shiela Sabanal, 16-anyos na tinangay ng malakas na agos ng tubig baha sa umapaw na ilog.

Nabatid na kagagaling lamang sa eskuwelahan ng magkakapatid pasado alas-4:00 ng hapon at pauwi na sa kanilang bahay  nang ta­ngayin ng malakas na agos sa ilog ng Brgy. Manalongon  ng bayang ito.

Inabutan ng pag-apaw ng ilog ang magkakapatid na tuluy-tuloy na nilamon ng rumaragasang baha.

Ang pag-apaw ng ilog ay sanhi ng malalakas na pag-ulan sa lugar.

Show comments