Huling kape ni Kap

MANILA, Philippines - Pinagbabaril ang isang barangay chairman habang lumalagok ng kape sa bahay ng barangay treasurer kamakalawa sa Brgy. Sto.Tomas, Aliaga, Nueva Ecija.

Idineklarang dead-on-arrival sa Cabanatuan City Hospital ang biktimang si Rodrigo Miranda, 56 anyos,  Chairman sa naturang barangay sanhi ng mga tama ng bala ng M16 rifles sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat, bandang alas-10:20 ng umaga ay kasalukuyang nagkakape ang biktima sa nasabing bahay nang biglang sumulpot ang isang kotseng Hyundai na walang plaka sakay ang tatlong armadong kalalakihan na pawang nakasuot ng bonnet.

Pagtapat sa kinaroroonan ng biktima ay agad itong niratrat ng mga suspek saka mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng Cabanatuan City.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung may kinalaman sa pulitika ang pagpatay sa biktima.

 

Show comments