Nirepacked na NFA rice nasamsam sa Bulacan

MANILA, Philippines - Sinalakay kahapon ng mga otoridad ang isang bodega sa Marilao, Bulacan na kung saan ang National Food Autho­rity (NFA) rice ay nire-repacked para ga­wing commercial rice upang tumaas ang presyo nito.

Naaresto ng mga otoridad ang warehouse ma­nager na si Juancho San Luis at  ilang trabahador nito sa akto na isinasalin ang may 100 sako ng  NFA rice sa mga sako ng  commercial rice.

Nakumpiska rin ang 5,000 sako ng  NFA rice, at dalawang 10-wheeler trucks na kinakargahan ng mga ni-repacked na NFA rice.

Sa ulat, dakong ­alas- 6:00­ ng umaga nang sala­kayin ng mga elemento ng PNP-CIDG ang Jommario Star Rice Mill na matatagpuan sa Brgy. Abangan Norte, Marilao, Bulacan.

Ang raid ay isinagawa kasunod nang natanggap na impormasyon ng Bulacan 3rd Regional Criminal Investigation and Detection Unit  (RCIDU) na sangkot sa ‘rice hoarding’ ang mag-asawang negosyanteng sina Roberto at Regina Pualengco na wala sa lugar  nang sumalakay ang mga otoridad.

Nabatid na pinaghahalo ng mga tauhan nina Pualengco ang commercial at NFA rice na ibinabagsak ng mga ito sa mga palengke upang kumita ng malaki .

Isinagawa ang raid sa gitna na rin ng karaingan ng mga konsumer sa mataas na presyo ng bigas bunga ng pinaniniwalaang rice hoarding at paghahalo ng commercial sa bigas ng NFA.

 

Show comments